Home » Post Item » Patron of All Ninangs
Patron of All Ninangs
April 14, 2008Mas pinili kong kumain ng hapunan kesa tumabi kay Mader na nagkukwento sa aking lolo at lola. Pero malayo man ako ng ilang dipa sa kanila, pare-pareho kaming tumutulo ang luha… pare-parehong pigil ang mga sariling humagulhol. Si Tita Nori ko kasi ang topic. Kung meron mang nakakapagpaiyak sa aming lahat ng ganito, siya yun. Ramdam ko yung lungkot ni Lolo sa gitna ng katahimikan. Kita ko sa mga mata ni Lola ang kagustuhang makuha pa sa dasal ang lahat…
Sa huling kwento, alam ko sa sarili kong sobrang bilang na bilang na bilang na lang ang oras niya. Kung aabot man siya ng isa-dalawa o tatlong buwan pa, isang malaking pasasalamat na para sa aming lahat.
Nang tagpuin ko ang nanay at tita ko sa Harrison mula sa pagdalaw nila sa hospital, nagulat ako na kahit sa pampublikong lugar, hindi nila napigilang umiyak. May matinding “kurot sa puso”, ika nga.
Hinahanap ka ni Nori… sabi nya agad pagdating namin….
“Si Sheggz? Si Ovel? Kamusta?” Tumalikod na lang akong bigla para itago ang pangingilid ng luha… Kung malakas pa yun, aligaga sa pag-aasikaso… maghahanda ng masarap na pagkain at bumabangka sa kwento.
Nang mabanggit daw ang binabalak na thanksgiving ni bro, napangiti pa daw ito at sinabing ”tayo-tayo na lang”. Ang hirap magcelebrate pag alam mong may kulang noh?
Isa ito sa mga pagkakataong “buong puso ko nang ipinagkakatiwala ang Tita Nori” ko sa Diyos. Kahit ayoko pa sanang ibigay siya sa Kanya, hindi ko na kayang ipagdamot pa ang isang mabuting taong sadyang ipinahiram lang din naman sa aming pamilya. Masyado na niyang naibigay ang kanyang sarili para sa aming lahat at ang pagmamahal niyang iyon ang hinding-hindi namin makakalimutan.
Kung meron mang higit akong pinagpapasalamat sa Diyos, isa marahil ang pagpapahiram sa aming lahat ng isang katulad niya, na ang presensya at ang maaaring pagkawala sa mga susunod na bukas ay magkakaroon ng malaking-malaking pagkakaiba at halaga. May ibang nangyari sa aming mga buhay sa pagkataong aming minahal.
Isa ka sa mga taong nagturo sa akin ng tunay na kahulugan at pagpapahalaga sa pagmamahal at pagtupad sa obligasyon sa pamilya, sa kapwa at sa Diyos. Kung dumating man ang oras na iyon na kailangan ka na naming ibigay, sabay-sabay naming itataas ang aming mga kamay… maiabot ka lang ng safe sa kanya. Kung papayagan nga lang sana ako ni San Pedro, ako na lang magbubukas ng pinto para man lang maihabilin kita sa kanya… baka mangailangan pa ng testimonial on how good you are… sasabihin ko na… magaling kang magluto tsaka the best ka talaga. Hindi ko alam kung gaano kita kahigpit na yayakapin… Ngayon palang, mamimiss na talaga kita. <Huhuhuhuhuhuhuhuhu>
Dahil alam ko kung gaano mo ako kamahal, Ninang… I had the best gifts… the best gift of Ninang in you.







